Birthday Mood

October 11, 2006

Hindi ko alam kung bakit, pero napansin ba ninyo na pag buwan ng Oktubre, ang daming nagdiriwang ng kanilang kaarawan? Sadya bang ang sipag gumawa ng sanggol ng mga nakatatanda sa tuwing sasapit ang buwan ng (… uh…. magbilang muna tayo ng siyam na buwan pabalik… ) … Pebrero? Pebrero… hmm… tinatanong pa ba yun? Buwan nga pala yun ng mga puso. Puno halos lahat ng mga motel. Teka, balik tayo sa Oktubre.

Halos lahat ng fastfood chains sa Bulacan ay may nakatokang birthday party sa kahit anong araw ng buwang ito. Noong Martes, ika-10 ng Oktubre 2006, matapos ang pamamasyal at window shopping sa mall na paratian naman naming ginagawa, naisipan lang (kunyari) ng aking mahal na maybahay na kumain sa pinakamalapit na fastfood chain sa may amin sa Malolos bago tuluyang umuwi. Tuwa naman si Lukas. Saan pa kung di sa Jollibee, syempre, since lahat yata ng bayan sa Luzon ngayon ay mayroong isa o dalawang branch nito. Anyway, hindi na surpresa sa amin na isang bahagi ng lugar ay nakalaan para sa isang birthday party. Mga lobo, tables na nakaayos, mga regalo, masasayang mga bata, maiingay na palaro at syempre pa, hindi mawawala ang pinakahihintay ng lahat: ang paglabas ng mascot na si Jollibee bilang panghuling parte ng selebrasyon. Sa mesa namin, simpleng dinner lang. Nothing special, kumbaga.

Bago matapos ang aming simpleng hapunang Chickenjoy, Jolli Spaghetti, Coke at Fudge Brownie Sundae, nag-request si Ethel na maghintay muna ako sandali. Tinanong ko sya kung bakit, ang tugon nya’y “Teka lang, magpatunaw ka muna ng kinain mo dyan.” Matapos ang malambing na kurot sa pisngi, dali-dali syang tumayo at pawang nagpunta sa kung saan may party. Hindi ko naman inalintana dahil ang akala ko’y pumunta lamang sya sa pinakamalapit na restroom.

Laking gulat ko nang maya-maya’y may kumakalabit na isang malaking kamay na naka-gloves na puti sa aking balikat. Napatayo ako bigla, at muntik nang atakihin sa puso nang aking natagpuan na nakatayo sa tabi ko’t nakangiti (as usual) ang isang malaking nilalang na kulay pula, may malaking bilugang puwet, nakasuot ng toque, may matambok na pisngi at plastic na mukha. Kinamayan nya ako’t nakipag-high five sa akin habang tawa nang tawa si Ethel sa kanyang likuran. Oo, starstruck ako kasi binati ako ni Jollibee!

Iyon pala’y may usapan na pala ang magaling kong misis at ng manager ng branch na iyon (na kaibigan din nya) na sa paglabas ni Jollibee ay dadalaw siya sa aming mesa upang batiin ako ng “Happy Birthday!” kahit sandali lang. Nakakahiya sa una, ngunit heartwarming dahil kahit kailan naman nung ako’y bata, hindi pa naman ako nababati ng isang mascot. Para bagang tuwang-tuwa ang batang-isip sa kaibuturan ng aking puso sa mga sandaling iyon. Heto pa’t datapwa’t nakakahiya’t marami din namang tao sa lugar na iyon, nakapag-picturetaking pa kami ng konti kasama ang masayang mascot. Tuwang-tuwa din, syempre, si Luke dahil di naman madalas na makita nya nang malapitan ang higanteng tutubi. Of course, dahil may isang batang tunay na pinaghandaan para sa araw na iyon, dali-dali ding inakay ng manager si Jollibee pabalik sa kung saan may tunay na party. Kahit sandali lang, feeling ko’y tuwang-tuwa ako’t abot pisngi ang ngiti. Nakaka-inggit nga si Luke, sya lang ang may karapatang matuwa nang higit pa sa inaasahan sa ganitong sitwasyon: tumatalon, tuwang-tuwa at papisil-pisil kay Jollibee na parang ito’y pinanggigigilan.

Oo, ‘sang-ayon ako kung sasabihin mong ang sweet-sweet naman. Sa totoo lang, tuwing ipagdiriwang ko ang kaarawan ko’y parang Valentine’s Day na rin ang pakiramdam ko. Ang sarap-sarap kasi pag feeling mo, special ka, kahit sa pinaka-simpleng paraan lang.

Next year, honey, fireworks display naman, ha! Hehehe… Salamat. Mwah. πŸ™‚

Advertisements

One Response to “Birthday Mood”

  1. Jac said

    Hehehe actually magtatatlong branch na kami sa San Pablo πŸ™‚

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: