Pasko na talaga

December 15, 2006

Pasko na nga. Makikita mong ang dami nang parol sa paligid, kahit na mumunti’t simple lang na palamuting makulay sa mga poste ng ilaw. Maririnig mo ang iilan ngunit paparaming mga grupo ng batang magkakaroling sa harap ng inyong kabahayan. Maririnig mo na rin ang mga pamaskong awitin sa radyo, maging live sa mga malls. Makikita mo unti-unti na makukulayan ng pinaghalong berde at pula ang paligid, lalu na sa loob ng mga bahay. Sa labas naman, malalanghap at mararamdaman mo talaga ang malamig na simoy ng hangin na di mo mahahanap sa kahit anong parte ng taon. Maaamoy mo na rin ang samyo ng pandesal na mahahaluan na ng puto bumbong at bibingka tuwing umaga.

Iba kasi pag Pasko. Oo nga’t dapat talaga, ang diwa ng Pasko ay sinasabuhay sa buong taon, pero tuwing Disyembre lang kasi talaga nagkakaroon ng excuse ang mga tao na mag-relax ng konti, mamili ng regalo sa lahat ng mga kakilala nila’t batiin ang isa’t isa na para bang walang nangyaring away o gulo sa buong taon. Parang may magic ang Disyembre na di mo makikita sa kahit anong panahon, pero sa tuwing darati’y mararamdaman mo sa kahit saan ka magpunta.

Late ang pasko ngayon. Dati kasi, pagpatak pa lang ng Setyembre, excited na ang mga tao’t naghahanda na. December 15 na ng gabi, at ngayon ko lang nakita ang mga tao na humahangos sa traffic patungong shopping malls at tiangge, humahabol sa pinakahuling araw ng pagkakataon para makapamili ng mga regalo. Naalala ko, nung bata pa ako, Oktubre pa lang, nakikita ko na ang mga bagong laruan, sapatos at damit na nakabalot na’t nakahanda na sa ilalim ng Christmas Tree sa sala. Ang tatay ko, abala na rin sa pag-iisip kung anong magandang disenyo para sa Belen sa taong iyon. Nakaka-miss din pag bata ka, mas mataas ang antas ng excitement kaysa papatanda ka na. Pero iba ngayong taong ito. Nandyan kasi si Luke para maging excited para sa amin ni Ethel. Ang sarap talaga pag mayroong miyembro ng pamilya na di pa masyadong nadudungisan ng panahon at pagod sa buhay ang kanyang payak na konsepto ng Pasko.

Kasabay ng opisyal na pagpasok ng diwa ng Pasko ngayong gabing ito ang aking pagkamangha sa ilang mga bagay na taun-taon namang nangyayari. Taun-taon naman kasing mayroong napakalaking Christmas Tree sa loob ng Shangrila Mall sa Shaw. Taun-taon din namang may kumakantang choir sa malaking hall ng nasabing lugar. Pero iba talaga ang Pasko. Kahit taun-taon mo nararamdamang darating sa ‘yo, hindi mo talaga maiiwasan ang maantig. Siguro dahil sa wakas,  matapos ang isang napakahaba at napakahirap sigurong taon, dumating na rin ang panahon na ito kung saan mas ramdam mo ang puso ng mga tao. Habang kinakanta ng UP Singing Ambassadors ang ilan sa mga paboritong pamaskong kanta ng mga Pilipino, di ko maiwasan ang mapangiti kahit ako’y nag-iisa. Masaya ako’t napadaan ako ngayong gabi para makapakinig sa kanila. Matagal-tagal na rin kasi akong di nakakapanood ng ganitong pagtatanghal. At gayundin, naaalala ko ang mga kasama ko sa choir noong nakaraang Christmas Party namin sa opisina.

Second place lang ang nakuha namin sa patimpalak ng gabing yun, pero hindi namin alintana at pakiramdam namin ay nanalo pa rin kami. Ang aming napanalunan? Ang di malilimutang mga oras ng nakakapagod ngunit nakatutuwang praktis sa Davenport at sa Funroom. Ang hadalian ngunit masayang paghahanda mula sa pagpili ng kanta hanggang sa kung anong tono ba ang kukuhanin upang makuha lang ang pinakamagandang timpla ng aming mga boses. Syempre pa, di rin malilimutan ang mga bagong pagkakaibigan at mga dati pang lalong naging mas matibay matapos ang araw na iyon. Ramdam namin na walang border sa gitna ng departments ng aming opisina noong mga panahong iyon. Masarap ding isipin na sa tinagal-tagal na hindi ako nakakanta sa isang choir, naroon pa rin ang kakaibang pakiramdam ng pagbahagi mo ng iyong talento para sa kasiyahan ng lahat. Matapos nito at sa gitna ng palakpakan bilang masayang pagtugon at pagbati sa aming minsanang pagtatanghal, hindi nga kami nag-uwi ng pangunahing premyo, pero masaya pa rin at kuntento.

Inaasahan kong magmula sa gabing ito, dadami na ang mga ilaw na kumukutitap sa paligid. Dadami na rin ang mga carolers na mamamasyal sa mga kabahayan ng kahit anong lugar. Magsisimula na ring magbakasyon ang mga tao sa iba’t-ibang lugar upang makasama ang kanilang pamilya’t pinakamalalapit na kaibigan sa panahong ito. Patapos na rin ang taong 2006, at wala akong masabi kundi “Salamat.” Salamat sa lahat ng  mga natutunan ko ngayong taong ito. Maraming nagbago, maraming naranasang sarap at pasakit, ngunit ang mahalaga, nakikita pa nating maganda ang mga araw na darating para sa 2007, datapwa’t mas pagagandahin pa ito ng mga alaala ng nakalipas na taon.

Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon! 🙂

Advertisements

3 Responses to “Pasko na talaga”

  1. Jac said

    Huy! mag-update ka na 😉

  2. Oases said

    Somehow i missed the point. Probably lost in translation 🙂 Anyway … nice blog to visit.

    cheers, Oases!!

  3. Every year, I used to live through the New Year holidays without thinking too much, but this year I learned a little about the Japanese New Year. S Click http://s.intmainreturn0.com/hukcoo091645

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: