Payat Thought

September 22, 2006


Ano ba talaga, koya? Heto na nga’t pumapayat na. ‘Kala ko ba, pag pumayat ako, ok na?

Eh bakit ang dami pang tanong? “Bakit ang payat mo na, Adel? Me sakit ka ba?” Nung una, ok lang sa akin- natural na reaksyon lang na pag may kaibigan kang mukhang di pa natutulog ng isang buwan, aakalain mong tumitira na ng marijuana para pang-diyeta. Sasagot na lang ako ng “Ah hindi, pare. Nagda-diet lang ako kaya ako payat.” Pero lately kasi, parang lahat na yata ng nakakakilala sa akin, ang tingin sa aki’y parang sinapian ng sakiting multo. Tuloy, parang ang pakiramdam ko, nauwi sa lahat ang lahat ng pagdidiyeta ko’t mga oras sa stationary bicycle na parati kong hinihiram sa mga utol ko.

Yung pinakahuling bati sa aking misinterpreted na “kakisigan” ang pinakagrabe:

“Ok ka lang?”

Huh? San nanggaling ang tanong na yan?

“Uhhh… Ok lang ako, pare. Ikaw?”

“Eh kasi nung huli kitang nakita, ang taba-taba mo.”

“So, that means…?”

“Baka me sakit ka, pare. Mag-SL ka kaya?”

Heto na lang ang mga natitirang magandang dahilan kung bakit ganito ang tingin sa akin ng sangkatauhan nung mga nakakaraang araw:

1. Di pa kasi ako nagpapagupit ng buhok. So, hapis na nga ang mukha ko, mukha pa akong semi-Einstein. Pareho din ang reaksyon ko tuwing umaga pag harap ko sa salamin: Oh my God! Sino ako?

2.Di sila sanay na payat ako. Ang Adel na kilala nila ay mataba at matatambok ang mga pisngi. Di nila matanggap na wala na silang makukurot na piraso ng laman sa aking mukha, sabay sabing “Ang kyut-kyut moooo.” Sa kanila, pag wala ang mga naturang senyales sa aking katawan, ako ay may sanib.

3. Talagang hindi tanggap ng nakararami na pwedeng matanggal ang apat na kilong mantika sa katawan sa loob lamang ng tatlong linggo. In denial sila, kumbaga.

4. Small talk lang. Hindi pwede ang “Magandang Umaga”, mapagkakamalan kang weirdo. Sa mga Pilipino, kung may makakasalubong ka na kakilala sa daan, kailangang may sabihin ka. Kahit ano, para lang may masabing may nasabi ka:

“Saan ka pupunta?” Kung ikaw ay rude, ang tamang sagot ay “Pakelam mo?”

– Ang ibang version ng “Saan ka pupunta?” ay “Saan ka galing?” Ito ay palagiang tinatanong lalu na kung most likely alam naman ng nagtanong kung saan talaga galing ang binati. For example, galing si Pedro sa isang inuman. Halata namang lasing siya’t galing sa mahabang sesyon ng alkohol- pasuray-suray na naglalakad sa daan na parang umaandar na tricycle na tinanggalan ng manibela, namumula ang mga mata at nangangamoy chico. Heto si Mateo, nakasalubong si Pedro. “Uy! Pedro! Saan ka galing?”

“Uy! Kumusta?” Kung ang binati mo’y nasunugan ng bahay, nanakawan ng mga appliances at lahat ng mga kaanak niya ay kasamang natupok sa sunog, malamang na nabubog ka na nyan.

“Uy!” (Sabay ngiti at kindat.) Kung ikaw ay nagkamali at hindi mo pala siya kakilala, at siya pala ay miyembro ng isang kulto, malamang kinabukasan ay isa ka nang bagong miyembro. Kung sa isang konserbatibong binibini mo naman ibinato ang bating ito, malamang napagkamalan ka nang manyak. Malas pag may kaakibat pa itong mala-Mortal Kombat na killer sampal.

“Uy! Ang taba/payat mo na ah!” Kung wala kang masabi dahil di mo talaga kilala yung tao, pansinin mo na lang ang kalagayan ng kanyang kalusugan.

Sige, sige. Kakain at dadalasan ko na lang ulit ang tulog ko sa mga susunod na araw. Sa kadalasang pagmamasid ko nung mga nakakaraang araw, naaliw din naman ako sa iba’t ibang reaksyon at bating natatanggap ko. Aba! At least may nakakapansin, di ba? Ito kasi ang hirap sa katawang ampaw- madaling pumayat, madaling tumaba. Ako nga yata ang pinaglihi sa spongha.